top of page

Mamalakaya

A beautiful reflection from a person deprived of liberty (PDL) on Luke 5:1-11, our Gospel today MAMALAKAYA ni PDL Leo Ang pagtawag sa unang tatlong alagad ni Jesus (sila Simon Pedro, Santiago at Juan) ang nilalaman ng ating Ebanghelio ngayon. Mahalaga ito dahil kinailangan ni Jesus ng makakasama at makakatulong sa Kanyang misyon na ipalaganap ang Mabuting Balita ng Kaharian ng Diyos at ng kaligtasan ng lahat. Hindi ito ibig sabihin na hindi kayang gawin ni Hesus nang mag-isa and kanyang misyon. Gusto lamang ni Hesus na ibahagi ang kanyang misyon sa kanyang mga alagad at minamahal. Magandang pagnilayan natin ang kilos ng pagtawag ng ating Panginoong Hesus sapagkat maaring dito natin makikita kung ano ang mahahalagang bahagi ng pagpapatuloy at kaganapan ng Kanyang misyon. Pagpili – mahalaga ang mga katangian o ang klase ng pagkatao ng mga pinili ni Jesus. Sila ay mga simpleng tao, mga mangingisda. Maaring hindi ganun kataas ang antas ng kanilang mga pinag-aralan, ngunit sila pa rin ang pinili ni Hesus. Siguro nakita ni Hesus ang kanilang tiyaga, pasensya at tapang. Nasasabi ko ito sapagkat nakikita ko na mga ito ang mahahalagang katangian ng mga mamalakaya sa tuwing papalaot sila upang mangisda sa buong magdamag na walang kasiguraduhan kung talaga bang may mahuhuli sila o wala. Naroon din ang panganib sa malalaking alon at biglang pagdating ng malakas na bagyo dala ang hangin at ulan. Pero, hindi nila alintana ang mga ito para lamang may maipakain sila sa kanilang mga pamilya at sa kanilang ikabubuhay. Kaya naman siguro, ganitong mga tao ang nais ni Hesus na makasama sa Kanyang misyon dahil ano man ang mga balakid o pagsubok na kanilang haharapin, ito ay kanilang mapagtatagumpayan. Pagsunod – sinabi ni Jesus kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang inyong Lambat!” Ngunit pansinin ang tugon ni Simon, “Guro magdamag kaming nagpagal at wala kaming nahuli. Gayunman kahit wala kaming nahuli, sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.” Hindi naiiba ang mga tugon natin sa tugon ni Simon. Ngunit madalas sa ating buhay naiiwan lamang tayo sa unang bahagi ng pahayag ni Simon, ang pagrereklamo. Magandang tingnan natin ang halimbawang ginawa ni Simon na pagkatapos magreklamo, sumunod pa rin siya sa utos ni Hesus. Kung titingnan ko ito sa buhay ko ngayon, marami pa ring bagay sa buhay ko na mahirap bitiwan. Halimbawa dito ay ang mga nakasanayan ko nang gawin kahit alam na alam kong kasamaan lamang ang idudulot nito sa akin. Pero, alam kong patuloy akong inaanyatahan ni Jesus na bitiwan na ang mga ito upang hindi ako tuluyang mapahamak. Mayroon siyang bagong ibibigay sa akin na makakapitan. Ito ay ang kanyang mga salita at aral na magbibigay sa akin ng bagong buhay na ganap at kasiyasiya. Naniniwala akong ang paanyayang ito ni Hesus ay hindi lamang para sa akin kundi para ito sa lahat. Inaanyayahan tayong kumapit sa Kanyang mga Salita. Sabi nga ni Simon, “… sa iyong salita ay ihuhulog ko ang lambat.” Inaanyayahan tayong sa ginta ng ating mga pag-aalinlangan, magtiwala tayo kay Hesus at sumunod sa Kanyang mga ipinag-uutos sa atin. Naniniwala ako na ang tiwaga natin kay Hesus ang siyang magbibigay ng magagandang bunga sa ating buhay. Sana katulad ng mga unang alagad ni Hesus, manggilalas tayo sa dami ng ating mga nahuling isda at pakatandaan na laging tapat ang ating Panginoon sa kanyang mga pangako at batid Niya kung ano ang ating mga kailangan at ang mga bagay na makabubuti sa atin. Pagsasabuhay – hindi lamang ang pagsunod ang paanyaya ni Hesus sa atin. Bagkus, katulad ng paanyaya N’ya sa unang mga alagad, inaanyayahan din N’ya tayo na isinabuhay ang pagiging mamalakaya ng tao. Biyayaan nawa tayo ng lakas ng loob na isabuhay ang tawag na ito na walang panghihinayang. Maging katulad nawa tayo ng unang mga alagad na hindi alintana ang mawalan man sa buhay dahil umaalab sa kanilang mga puso at diwa ang tiwala sa ating Panginoon. Nawa’y hayaan natin na gawing tayong mga instrumentong tagahagis ng lambat ng Panginoong Hesus upang pisanin ang nakararami. Mga tanong para sa pagninilaynilay: · Naririnig mo ba ang tawag ng ating Panginoon sa buhay mo? · Meron ka bang mga pag-aalinlangang sumunod sa Panginoon? Anu-ano ang mga iyon? · Buo ba ang tiwala mo sa Panginoon? Gaano ka ba kahandang iwan ang lahat para kay Hesus?

Mamalakaya
bottom of page