Q & A
In prayer, we do ask God so many questions. Does God really answer our questions? The following is a wisdom from a person deprived of liberty (PDL) ;-) Q & A ni PDL Francisco Sa ating Ebanghelyo ngayon pinag-uusapan ang tungkol sa pag-aayuno. Mahalaga pong alamin din natin and tungkol nito. Pero, ang nais kong ibahagi sa inyo ay ang bunga ng pagninilay-nilay ko tungkol sa kahalagahan ng pagtatanong sa Panginoon bilang isang nananampalatayang Kristiyano. Tanong – mahalaga po ang pagtatanong sapagkat dito nagsisimula ang pagtuklas ng mga bagay bagay dulot ng paghahanap natin ng maaring mga kasagutan nito. Sa ating Ebanghelyo ngayon ano nga ba ang mga itinanong kay Hesus: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga pariseo. Bakit ang mga alagad mo’y patuloy sa pagkain at pag-inom?” Ngunit sa aking pagninilay, mahalaga ding tingnan natin ang mga konteksto at mga kadahilanan ng ating mga katanungan sa buhay lalong lalo na sa pananampalataya. Halimbawa sa akin, sa totoo lang, marami din akong mga tanong sa ating Panginoon lalong lalo na nang akong nabilanggo. Tinatanong ko ang Panginoon, hindi dahil nababawasan na ang aking pananampalataya. Hindi rin ako katulad ng mga pariseo na gusto ko lamang siluin ang ating Panginoon. Nagtatanong ako sa Kanya sapagkat naniniwala akong sasagutin Nya ang bawat tanong ko sa Kanya. Kaya naman sa aking pagtatanong katambal nito ang aking pananalig na naririnig ako ng ating Panginoon at alam kong sasagot Siya balang araw, sa panahong handa na rin akong marinig ang kanyang mga sagot. Mga kapatid, kung mahal natin ang ating Panginoon, sana huwag tayong mahiyang lumapit at magtanong sa Kanya. Buo ang paniniwala kong hindi tayo mapapahiya sapagkat mahal din tayo ng Panginoon. Kaya naman dahil sa kanyang walang hanggang pag-ibig sa atin, sasagot at sasagot Siya sa bawat tanong natin. Sagot – sinagot nga ni Hesus ang tanong ng iilan sa kanya, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal?... Walang sumisira ng bagong damit upang itagpi sa luma…” Minsan ang sagot ng Panginoon sa ating mga tanong at tanong din. Minsan din ang sagot Niya sa atin ay mga pangungusap na mahirap maintindihan. Wari ko, kaya ganito minsan sumagot ang ating Panginoon sapagkat marami sa ating mga katanungan ay maaring may sagot na sa ating mga puso at isipan. Kailangan lamang na maipalabas ang mga ito sa atin sa pamamagitan ng tamang pagtatanong. Ito din ang aking dasal na sana matutunan ko kung ano nga ba ang mga tamang itatanong ko sa sarili at sa Panginoon sa tuwing nanalangin ako. Mga kapatid, mahalaga din na lagi nating pakatandaan na kailangan natin ang Espiritu Santo upang maliwanagan tayo sa mga sagot ng ating Panginoon sa tuwing nananalangin tayo.
Uulitin ko ang katotohanang ito sa ating pananampalataya na aking napagtanto: Ang ating Panginoon ay laging sumasagot sa bawat tanong natin… sa bawat dasal natin. Mga tanong para sa pagninilaynilay: · Anu-ano ba ang mga katanungan ko sa buhay ngayon?
Idinudulog ko ba ang mga ito sa Panginoon? · Sa aking pananalangin, narinig ko ba ang sagot ng Panginoon sa aking mga tanong? Ano ang aking naramdaman sa Kanyang sagot? · Kumusta nga pala ang uganayan mo sa Panginoon?
Nasasabi mo ba sa Kanya ang lahat lahat?
Kung hindi pa, ano kayang humahadlang upang masabi mo ang mga hindi mo pa nasasabi sa Kanya?