top of page
Writer's pictureFr. Jun-G Bargayo, SJ

NALIWANAGAN

A reflection of a person deprived of liberty (PDL) on the Gospel (Luke 9:43-45) last September 26, 2020.


NALIWANAGAN

ni PDL Gerald


Magandang umaga mga kapatid. Nakakatuwa na sa kabila ng napakarami natin iniisip at inaalala, sinamahan pa ng mga pagsubok na pinagdaranan natin, narito pa din tayo at nakakatayo pa ng matuwid. Nariyan din ang pandemya, at ilang buwan nang hindi natin nakakasama ang ating pamilya.


Kalamidad by PDL Mark Anthony

At kahit may pandemyang nararanasan ang buong mundo, tayo pa din ay samasamang pinagsasaluhan ang Salita ng Diyos. Ano kaya ang pakay ni Hesus? Para kanino kaya ang mga Salita N’ya ngayon? Sa aking palagay, ito ay para sa ating lahat, ano man ang kalagayan ng ating buhay bilang mga Kristiyonang Katoliko.

Mga kapatid, habang binabasa ko ang ating Ebanghelyo ngayon, nanariwa sa aking alaala ang aking kabataan. Dating laman ako ng simbahan doon sa aming probinsya. Ngunit, hindi ko lubos naunawaan ang kanyang mga pagpapakasakit, hanggang sa napunta ako sa kalagayan ko ngayon. Kahit noong bago pa ako sa city jail, hindi ko alintana ang kilalanin Siya at ang Kanyang dinanas sa krus. Hindi na rin ako nagsisimba noon at nakikipag suntukan pa nga ako sa mga bantay pinto para lang hindi ako makadalo sa Misa. Ngunit isang araw, nagkasakit ako at dinala sa pagamutan. Habang dinadala ako sa pagamutan, sabi nila, ako ay nawalan ng malay, pero noong sandaling iyon narinig kong kinakausap ako ng Panginoong Hesus. Naalala kong sa aming pag-uusap ng Panginoon, bigla kong nasambit sa Kanya na “Mula ngayon bubuklatin at babasahin ko na ang Iyong mga Salita.” At nagising ako na nasa Tondo General Hospital na ako at alam ko na duon nagsimula ang aking bagbabago.


Mga kapatid, sana hindi lang tayo manggilalas o mamangha sa kung ano man ang ipapakita ng Panginoon sa atin. Sana atin din isapuso ang Kanyang mga Salita sapagkat ang Kanyang mga Salita ay siyang magbibigay sa atin ng lakas at kaligtasan.

Ngayon, masasabi ko nang nauunawaan ko ang pagpapakasakit at dahan dahan akong binabago ng katotohanang ang lahat ng kanyang tiniis ay para din sa akin... para sa atin. Ang akala ko maging alamat nalang ang buhay ko magmula nang napasok ako dito sa Bilibid. Ngunit nagliwanag pala at nagkaroon ng direksyon ang aking buhay. Lahat ng meron ako ay dahil sa Kanyang awa at habag.


Kaya huwag po tayong mawalan ng pag-asa, hindi man tayo makabalik sa lugar na kung saan tayo nadapa. Dito sa lugar na ito, sama-sama tayong babangon. May nakalaang gantimpala para sa atin doon sa kalangitan kasama ang ating Panginoon Hesus. Dalangin ko na pag-alabin lagi ng Panginoon ang nais ng ating mga puso na makilala at maunawaan Siya upang patuloy na lumalim ang pagmamahal natin sa Kanya. Amen


Mga tanong na makakatulong sa pagninilay-nilay:

  • Kumusta ka sa gitna ng pandemya?

  • Saan/Kanino ka humuhugot ng lakas?

156 views

Recent Posts

See All

Comments


Stories L.png
bottom of page