A reflection of a person deprived of liberty (PDL) on today's Gospel, Luke 8:1-3.
Sila Maria Magdalena, Juana at Susana
ni PDL Jhun
Katulad ng Kanyang mga alagad sa ating Ebanghelyo ngayon, magandang lagi nating alalahaning tayo din ay pinili at tinatawag ng ating Panginoon na sumunod sa Kanya.
Pagkatapos na pinalayas ang pitong demonyo sa kanyang katawan, si Maria Magdalena ay sumunod sa ating Panginoon Hesus. Kasama n’yang sumusunod kay Hesus ay ang mga alagad at sina Juana at Susana. Ngunit sino nga ba sina Juana at Susana? Wala tayong mababasang kuwento tungkol sa kanilang buhay sa ating Banal na Bibliya. Subalit maari nating pansinin na ang mga sumusunod kay Hesus ay meroong iba’t ibang kadahilanan. Kaya naman kung titingnan ko ang aking sarili, meron din akong dahilan kung bakit ako sumusunod kay Hesus.
Mga kapatid, ako ay isang Katoliko mula pa sa aking pagkabata. Subalit noong nasa malayang lipunan pa ako, ang totoo’y hindi ko naranasang mabuo ang isang Misa. Matagal na siguro ang dalawampong minuto at lalabas na ako n’yan ng simbahan. Hindi ko man lang napakikinggan ang mga sermon ng mga pari sa tuwing nasa Misa.
Noong makulong na ako sa Manila City Jail, doon ko lamang naranasang mabuo ang isang Misa. Isang araw (alalang-alala ko na Lunes yun), isinama ako ng aming namumuno sa pagdarasal ng Rosario ng mga Legion of Mary. Nakakatawa sapagkat nakakaidlip ako sa aking kinauupuan habang nag-Rorosario. Pero kahit nakakaidlip ako, sali pa rin ako nang Sali sa kanilang pagRorosario hanggang sa natoto na akong magdasal nito at naging ganap na kasapi na rin ako ng Legion of Mary. Nang lumaya na ang pangulo ng aming grupo, hindi ko alam kung bakit ako ang itinuro ng mga kasama ko na humalili bilang pangulo nila. Ewan ko ba at pumayag naman ako sa kanila. Simula noon, naging aktibo ako sa paglilingkod sa Simbahan. Kaya nang dumating ako dito sa Maximum Security Compound, itinuloy ko pa rin ang pagsisimba. Sa di kalaunan, inalok akong maging isang lector. Hindi ako nagdalawang isip na tanggapin ito.
Ngunit masasabi kong hindi lang ito ang nangyari sa buhay ko ngayon kasi heto ako ngayon nakatayo sa inyong harapan bilang isa nang Eucharistic Lay Minister. Hindi ko matanggihan ang tawag sa akin ng ating Panginoon na maglingkod sa kanya. Gustong gusto kong huwag mawalay sa tabi ni Hesus, kaya lagi akong nakasunod sa Kanya. Ang dasal ko lagi, “Nawa’y magkaroon din ako ng pagakakataon sa ‘laya’ na maipagpatuloy itong paglilingkod kay Hesus na may malakas na pananampalataya sa Kanya.” Ito din ang dasal ko sa inyo.
Ibinahagi ko ang parteng ito ng buhay ko sapagkat gusto kong sabihin sa inyo na lahat tayo tinatawag ng Panginoon na sumunod sa kanya. Iba’t iba man ang kalagayan natin ngayon: marunong man tayong magdasal o hindi, aktibo man tayo sa Simbahan o hindi pa. Pare-pareho tayong inaanyayahan ni Hesus na sumunod sa Kanya. Sana magkaroon pa tayo ng maraming karanasan na makakatulong upang makita ang ating Panginoon at ang Kanyang mga mabubuting ginagawa sa ating buhay. Sapagkat kapag nakita na natin Siya at ang Kanyang mga ginagawa sa atin, ayaw na natin mawalay pang muli sa Kanya.
Gusto ko rin sabihin sa inyo, mga kapatid, na subukan din nating lumapit sa Kanya, humingi ng tulong at pagpapala. Huwag nawa tayong tumigil sa pagtawag sa Kanya. Maniwala tayo na lagi nating kasama ang Panginoon na laging handang umalalay sa atin.
Mga tanong na nakakatulong sa pagninilay-nilay:
Sumusunod na ba ako kay Hesus? Kung “oo” ang sagot, anong dahilan ko upang sumunod sa Kanya? Kung “hindi pa” ang sagot, anong humahadlang sa akin upang ako’y sumunod sa Kanya?
Sinu-sino ang mga kasama ko ngayon sa paglalakbay sa buhay? Anu-ano naman ang mga magagandang karanasan namin sa aming paglalakbay?
Comentarios