top of page

Trosong Nakatusok Sa Aking Mata

Another reflection from a person deprived with liberty (PDL) that we can learn from...

Trosong Nakatusok Sa Aking Mata

ni PDL Ronald


Habang binabasa ko ang Magandang Balita sa araw na ito, tumatak sa akin ang verbong ito, “Alisin mo muna ang troso sa mga mata mo bago mo alisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”


Pakiramdam ko na ipinababatid sa atin ng Panginoon na kung sakaling pumuna man tayo ng kamalian ng ating kapwa, mahalaga na matignan muna natin ang ating mga pagkakamali. Tiningnan ko ang sarili ko at aminado ako na marami din akong pagkakamali. Makasalanan din ako.


Biglang pumasok sa isip ko ang isang kuwento sa Biblia, ang Juan 8:1-11 na tungkol sa isang babaeng nahuli sa pangangalunya at dinala siya sa ating Panginoon Hesukristo para parusahan sana. Sa kuwentong ito, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang sinumang walang kasalanan sa inyo ang siyang maunang bumato sa kanya.” Dahan-dahang nagsialisan ang mga tao at hindi na natuloy na batuhin hanggang kamatayan ang makasalanang babae. Sinabi ni Hesus sa babae, “Tumayo ka at huwag nang magkasala pa.”


Sa aking patuloy na pagninilaynilay, napagtanto ko na isa sa pinakamahalagang hamon sa ating mga nanampalataya ay ang tingnan ang ating mga pagkakamali sa loob ng awa ng ating Panginoon. Sa paraang ito, matututo ang ating mga mata na huwag humusga sa kapwa sapagkat alam natin na hindi tinitignan ng Panginoon ang ating pagkamakasalanan. Bagkos, ang mahalaga sa ating Panginoon ay ang ating pagsisisi at ang pagbabalik-loob natin sa Kanya.


Ngunit, ibig bang sabihin nito na hindi ko dapat pakialaman ang pagkakamali ng aking kapatid? Kung talaga namang gumagawa ng masama ang aking kapatid at alam kong hindi ito nakabubuti sa kanya at sa mga taong nakapalibot sa kanya, sa palagay ko dapat akong tumulog upang maiwasto siya. Ngunit hamon sa akin na sana hindi ko siya mahusgahan agad sa kanyang nagawang mga kasalanan. Dalangin ko na sana maipakita ko sa kanya ang pagmamahal at awa ng ating Panginoon. Sa pagkakataong ito, mahalaga na maipahayag ko sa kanya ang Magandang Balitang ito, na mahal na mahal tayo ng Panginoon at inaantay Niya lamang tayong magbalik-loob sa kanya.

Mga kapatid, oo, lahat tayo ay may sala, ngunit hindi ito dahilan upang hindi na natin tulungan ang isa’t isa na ituwid ang ating mga pagkakasala. Kung nakikita ninyong hindi na maganda ang ginagawa ko, punain ninyo ako at tulungang akong maibalik sa mabuti. Ako din, hindi ko hahayaang malunod kayong aking mga kapatid at kaibigan sa kasalanan. Sama sama tayo sa pagbabago. Akayin natin ang bawat isa patungo sa tamang landas, patungo kay Kristong ating Panginoon.


Mga tanong na makakatulong sa pagninilaynilay:

  • Alalahanin ang panahong naramdaman mo ang pag-ibig at awa ng ating Panginoon. Anong nangyari sa iyo? Kelan ito? Sino-sino ang mga nanduon?

  • May mga pagkakataon bang nailapit mo sa kapwa mo ang pag-ibig at awa ng ating Panginoon? Ano at kailan ang mga ito? Anong naramdaman mo sa mga panahong iyon?

149 views

Recent Posts

See All

Comments


Stories L.png
bottom of page